Regulasyon sa bentahan at distribusyon ng LPG iginiit ng senador

Nais ni dating Senate President Manny Villar na gumawa ng mekanismo ang pamahalaan upang magkaroon ng regulasyon sa bentahan at distribusyon ng liquefied petroleum gas (LPG) para maprotektahan ang publiko.

Ang panawagan ay ginawa ni Villar nitong Huwebes kasunod ng kalituhan kung ano ang tunay na dahilan sa kakapusan sa suplay ng LPG sa Metro Manila sa nakalipas na mga linggo.

“Hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng kakulangan ng suplay at lubhang tumaas ang presyo ng LPG. Sa maraming pagkakataon ang kakapusan ng suplay at paglobo ng presyo ay hindi tulak ng merkado kundi artipisyal na dahilan,” ayon sa mambabatas.

Sinabi ng senador na panahon na para repasuhin ang operasyon ng industriya ng LPG at magpatupad ng mga patakaran para mapangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan.

Kung walang mekanismo, sinabi ni Villar na paulit-ulit na mangyayari ang umano’y pag-abuso ng ilang mapagsamantalang negosyante na umiipit sa suplay at ilegal na nagkakarga ng LPG.

“Ang regulasyon sa kalakalan ng LPG ay magtatakda ng patas na labanan sa merkado at magbibigay-daan para makayanan ng maliliit na negosyante sa industriyang ito na makipagsabayan sa mga higante at multi-nasyunal na mga kumpanya,” ayon kay Villar.

Sinabi nito na mahigit sa 90 porsyento ng merkado sa Pilipinas ng LPG ay kontrolado ng iilang malalaking kumpanya tulad ng Petron, Liquigaz, Shell at Total. Samantalang ang mga maliliit na kumpanya ay humihingi ng regulasyon sa industriya.

“Kung malusog ang kumpetisyon, kung nangingibabaw ang dikta ng merkado at hindi monopolyado ng ilang grupo o kartel, walang lugar para sa pag-abuso at lubhang mataas na presyo. Ang mga mamimili ay hindi mapipilitan na bumili ng LPG sa mataas na presyo na bunga ng artipisyal na kakulangan,” paliwanag niya. – GMANews.TV

Source: http://www.gmanews.tv/story/148568/Regulasyon-sa-bentahan-at-distribusyon-ng-LPG-iginiit-ng-senador

GMANews 02/11/2009
“Regulasyon sa bentahan at distribusyon ng LPG iginiit ng senador”

Retrieved February 12, 2009.
Web site title: Regulasyon sa bentahan at distribusyon ng LPG iginiit ng senador
Web site: http://www.gmanews.tv/story/148568/Regulasyon-sa-bentahan-at-distribusyon-ng-LPG-iginiit-ng-senador

Mag-uling na lang tayo…